-- Advertisements --

Nangako ang Department of Labor and Employment (DOLE) na padadaliin ang institutionalization ng mga patakaran para protektahan ang mga caregivers.

Sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma Jr. na ang DOLE, kasama ang Department of Migrant Workers (DMW) at ang Technical Education and Skills Development Authority, ay mauuna sa kampanya ng pamahalaan na isulong ang disenteng trabaho para sa mga caregivers.

KAbilang dito na protektahan sila mula sa pang-aabuso, karahasan at pagsasamantala sa ekonomiya sa pamamagitan ng Republic Act 11965 o ang “Caregivers’ Welfare Act.”

Ang batas na ito ay sumasalamin sa pangako ng gobyerno na kilalanin at tugunan ang mga pangangailangan ng mga Filipino caregiver na gumaganap ng mahalagang papel sa pagbibigay ng pangangalaga at suporta sa mga indibidwal at pamilya.

Sinasaklaw ng batas ang mga caregivers na nagtatrabaho sa bansa sa mga pribadong tahanan, nursing o mga pasilidad ng pangangalaga at iba pang mga residential setting.

Gayundin ang mga direktang kinukuha ng employer o inilagay sa pamamagitan ng Public Employment Service Office o Private Employment Agency.

Tinitiyak ng batas na ang mga caregivers ay may karapatan sa patas na kabayaran, makatwirang oras ng pagtatrabaho, at isang ligtas at sumusuportang kapaligiran sa trabaho.

Una na rito, ang Caregivers’ Welfare Act ay nilagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Nob. 23, 2023.