CAUAYAN CITY – Pinaghahandaan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagtulong sa mga empleyado ng ABS-CBN sakaling hindi mai-renew ang prangkisa nito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi aabot sa 11,000 ang mga empleyado ng network kundi aabot lamang sa halos 5,000 batay sa kanilang isinagawang inspection noong 2018.
Ayon kay Atty. Bello, batay sa kanilang record, sa 4,800 na empleado ng network ay 1,800 ang contractual at seasonal kaya pinagsabihan nila ang network na gawing regular ang mga contractual tulad ng mga cameraman.
Tiniyak ni Secretary Bello na ipatutupad nila ang emergency employment program sa mga empleyado na mawawalan ng trabaho sakaling hindi mai-renew ang prangkisa nito.
Puwede rin silang mabigyan ng altenative employment dahil maraming tv network ang puwedeng kumuha sa mga mawawalan ng trabaho sa ABS-CBN.
Inamin ni Kalihim Bello na malaking problema ito ng DOLE ngunit kung mangyayari ay gagawan nila ng paraan para matulungan ang mga empleyado ng network.