Inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magiging libre na simula ngayon taon ang mandatory occupational health and safety training na iaalok sa mga manggagawa at enterprises.
Ang bagong polisiya ay alinsunod sa direktiba ni Labor Secretary Silvestre Bello III para mapagbuti ang kalusugan at kaligtasan sa lugar ng trabaho.
Ito rin aniya ay para mapadali ang pasanin sa mga negosyo sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) na apektado ng COVID-19 panemic.
Binigyang-diin ni Bello na kailangang siguruhin ang kalusugan at kaligtasan ng mga manggagawa at empleyado upang mapalakas pa lalo ang pagiging produktibo habang binubuksan nang unti-unti ang ekonomiya.
“We are waiving the training fees being charged to micro and small businesses. The workers in those enterprises have to be assured of their safety and health while at the workplace. This is a big factor to their productivity,” saad ni Bello.
Ito rin aniya ay isang anyo ng tulong para sa mga maliliit na negosyo na pinakanaapektuhan ng mga ipinataw na restriksyon dahil sa health crisis.
Sa ilalim ng Occupational Safety and Health Law o ang Republic Act No. 11058, obligado ang lahat ng mga business establishments na magtalaga at isailalim sa pagsasanay ang kanilang safety officers.
Sinabi ng DOLE, nasa P5,000 ang halaga ng pagsasanay para sa safety training na ito.