CAUAYAN CITY – Iniimbestigahan na ng labor attache sa Riyadh, Saudi Arabia kung may foul play sa pagkamatay ng isang Overseas Filipino Worker (OFW) na tubong Cauayan City.
Duda ang mga kamag-anak ng OFW na si Elmer Cortez, 34-anyos at residente ng Nungnungan I, Cauayan City sa ipinabatid sa kanila na nagbigti-patay ito dahil ang nakita nila sa larawan na ipinadala sa kanila ay nakaupo si Elmer at hindi nakabigti.
Una rito ay dumulog sa Bombo Radyo Cauayan si Ginang Clarita Cortez para humingi ng tulong kay Labor Sec. Silvestre Bello III upang alamin ang tunay na dahilan ng pagkamatay ni Elmer at maiuwi ang kanyang bangkay para mabigyan ng disenteng libing sa kanilang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bello, sinabi niya na natagpuan ang bangkay ni Elmer sa bahay ng kanyang employer.
Isasailalim ang bangkay sa otopsiya at inaayos na rin ang mga papeles para maiuwi sa Pilipinas.
Tiniyak ni Bello na may mananagot sakaling may foul play sa pagkamatay ng Pinoy worker sa Riyadh.