-- Advertisements --
Chico project
Chico River irrigation project

BAGUIO CITY – Nakumpleto na umano ang alien employment permit ng 25 mga Chinese workers na kasalukuyang nagtatrabaho sa ongoing P4.3-B Chico river pump irrigation project sa lalawigan ng Kalinga.

Ayon kay Jesus Atal Jr., assistant regional director ng DOLE-Cordillera, dahil dito ay legal na ang pagtatrabaho ng mga nasabing foreign workers sa proyekto na bahagi ng “Build, Build, Build” program ng Duterte administration.

Aniya, nadiskubre na walang kaukulang dokumento ang mga nasabing Tsino nang nagsagawa sila ng inspeksiyon sa nasabing proyekto kaya ipinag-utos nila ang pagkuha ng mga ito ng nasabing permit.

Dinagdag niya na “ready for release” ang mga nasabing dokumento.

Ipinaliwanag ni Atal na iba-iba ang specialization ng mga Chinese na nagtatrabaho sa proyekto gaya ng paggawa ng mga irigasyon na dapat aniyang maituro sa mga Pinoy.

Una rito, inihayag ni DOLE-Cordillera regional director Exequiel Ronnie Guzman na namulta ng tig-P10,000 ang mga nasabing foreign workers dahil sa pagtatrabaho nila dito sa bansa na walang required permit habang namulta ang contractor ng proyekto ng aabot sa P250,000 dahil sa pag-empleyo nito ng mga foreign workers na walang kaukulang dokumento.