Binigyang diin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na magiging mas mapagbantay ang kanilang ahensya sa gitna ng mga ulat na ang emergency employment cash aid program nito na kilala bilang TUPAD (Tulong Panghanapbuhay para sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers) ay ginagamit ng ilang pulitiko para isulong ang Charter Change (Cha-cha).
Ayon kay DOLE Secretary Bienvenido, mas paiigtingin nila ang pagbabantay sa programa at hindi ito isasapagwalang-bahala.
Aniya, ang tungkulin ng departamento ay siguruhing maaabot ang mga karapat dapat na benipisyaryo nito at maipamahagi ang nararapat na tulong para sa mga indibidwal.
Matatandaang iginiit ni Senador Robin Padilla na maraming social services, kabilang ang TUPAD, ang ginagamit para mangalap ng mga lagda para sa Cha-cha sa pamamagitan ng people’s initiative.
Si Padilla kasi ang namumuno sa Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Code.
Bukod kay Padilla, naglabas din ng mga alegasyon ang ibang mga pulitiko na bumibili ng mga pirma ang ilang pampublikong opisyal at nanlilinlang sa mga tao na pumirma sa mga dokumento.
Sinabi ni Laguesma na titiyakin ng DOLE na ang mga kwalipikadong benepisyaryo lamang ang makakatanggap ng tulong sa ilalim ng kanilang naturang programa.