-- Advertisements --

Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga employer ngayong sunod-sunod ang pananalasa ng bagyo sa Pilipinas na alalahanin din ang ikabubuti ng kanilang mga empleyado.

Nakasaad kasi sa Labor Advisory No. 17-2022 na pinirmahan at inilabas ni Labor Sec. Bienvenido Laguesma noong 2022 na maaaring suspendihin ng mga management/employer ang pasok sa mga trabaho sa panahon ng mga kalamidad.

Ito ay para mailayo ang mga manggagawa sa panganib na dulot ng bagyo.

Sa ilalim nito ay susundin ang ‘no work no pay’ na polisiya.

Gayunpaman, hinihikayat ng DOLE ang mga employer na maging ‘considerate’ sa kanilang mga empleyado. Apela ng DOLE, kung nakapasok na ng anim na oras ang mga empleyado at saka pa lamang sinuspendi ang pasok, maaari na itong ikonsidera bilang whole day.

Sa ganitong paraan, maaari umanong ibigay ang sahod nila para sa isang araw.

Kung nakapagtrabaho na rin ang mga empleyado sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw bago pa man ang kanselasyon, maaari namang ikonsidera ito bilang half-day o kung hindi man ay dapat gawing ‘proportionate’ ang sahod na ibibigay sa aktuwal na arawang sahod ng mga manggagawa.