-- Advertisements --

Pinabulaan ng Department of Labor and Employment ang pagharang nila umano sa panakulang batas na 200 pesos minimum wage increase para sa mga manggagawa.

Nais bigyang linaw ng naturang kagawaran ang kanilang posisyon pagdating sa usapin ng pagtaas ng ilang halaga sa magiging dagdag pasahod kada-araw.

Ibinahagi mismo ni Secretary Bienvenido Laguesma, ang kasalukuyang kalihim ng Department of Labor and Employment na ang paglilinaw na ito ay dahil na rin sa mga nakaraang karanasan.

Paliwag niya, may nagsasabi kasi na hinaharangan nila ang ganitong taas pasahod kapag nagbibigay sila ng mga technical inputs hinggil sa pagpapatupad nito.

Dahil dito, mariing inihayag ni Secretary Bienvenido na ang kagawaran ay hindi tumututol kung tuluyan ng magiging batas ang panukalang ito.

‘Gusto kong bigyan ng diin noh, kasi sa mga nakalipas na panahon po pag’ nagbibigay kami ng technical inputs, binibigyan ng ibang kahulugan. Hinaharang daw po namin o nag-oobject kami, gusto ko pong bigyan diin, hindi po trabaho ng DOLE iyon,’ ani Secretary Bienvenido Laguesma ng Department of Labor and Employment.

Samantala, tiniyak naman ng naturang labor secretary ang implementasyon ng 200 pesos wage increase kung sakaling maipapasa na ito ng kongreso.

Nilinaw din niya na hindi trabaho ng kagawaran ang itulak, suportahan o tutulan ang panukalang batas.

Bagkus, sinabi ni Secretary Bienvenido Laguesma na sila’y nagbibigay lamang ng mga impormasyon sa pagbabahagi ng mga posibleng maging epekto nito sa sitwasyon ng trabaho sa bansa.