Pinagmulta ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang contractor ng Skyway Extension project na EEI Corporation matapos ang aksidenteng naganap sa Muntinlupa na ikinasawi ng isang katao at ikinasugat ng apat na iba pa.
Sa inilabas na kautusan ng DOLE-National Capital Region director Sarah Buena Mirasol na mayroon multa na P170,000 sa kada araw dahil sa non-compliance mula ng matanggap ang kautusan at hanggang ang mga paglabag ay maitama ng nasabing pagkakamali.
Pinag-susumite rin ng ahensiya ng reportorial requirements ng Occupational Safety and Health Standards kung hindi agad maisumite ay papatawan ng P30,000 kada araw ang naturang kumpanya.
Sa hiwalay din na kautusan ay inatasan din ng DOLE ang Mayon Machinery na magbayad ng P80,000 kada araw para sa non-compliance ng nasabing kautusan.
Aabot naman sa kabuuang P380,000 ang kabuuang administrative fines ng nasabing kumpanya.
Magugunitang noong Nobyembre 21 ay nahulog ang crane sa ginagawang Skyway kung saan nadaganan ang isang motorista na agad nitong ikinasawi at ikinasugat naman ng limang iba pa.
Dahil sa pangyayari ay naantala ang pagtatapos ng proyekto ng hanggang Pebrero 2021.