Pinayuhan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma ang mga pribadong kumpaniya na magpatupad ng mga safety measures sa gitna ng tumitinding init ng panahon.
Ito ay upang maibsan ang labis na epekto nito sa mga mangagawa at sa kanilang work space.
Ipinayo ni Laguesma sa mga employer na sundin ang mga nakasaad sa Labor Advisory No. 08-2023.
Sa ilalim ng naturang guideline, ang mga kumpaniya ay inaatasang gumawa o gumamit ng mga epektibong ventilation at heat insulation sa lahat ng lugar kung saan nagtatrabaho ang mga manggagawa.
Pinapa-adjust din ang rest break o work allocation para mas madaling maka-recover ang mga mangagawa mula sa heat exposure.
Maliban dito, ang mga kumpaniya ay inaatasan ding maglaan ng mga temperature-appropriate uniform at mga personal protective equipment tulad ng mga sumbrero, goggles na may protection mula sa ultraviolet rays, at mga komportableng long-sleeve t-shirt.
Inaatasan din ang mga kumpaniya na maglaan ng libre at sapat na inuming-tubig para sa mga mangagawa.
Ayon kay Laguesma, ang mga nabanggit na measure ay makakatulong hindi lamang sa mga manggagawa o sa mga employer kundi sa buong kumpaniya at matitiyak na magpapatuloy ang operasyon nito.