-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Pinawi ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pangamba ng mga benepisyaryo ng Government Internship Program (GIP) na nasa mga lugar na nakasailalim sa enhanced community quarantine (ECQ).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Information Officer Chester Trinidad ng DOLE Region 2 na walang dapat ikabahala ang mga GIP beneficiaries na nasa mga lugar na nakasailalim sa ECQ dahil magpapatuloy pa rin ang kanilang kontrata kapag natapos na ang pagpapatupad ng ECQ sa kanilang lugar.

Bukod dito ay makukuha rin nila ang kanilang sahod at kailangan lamang na isumite ang kanilang DTR at accomplishment report na pirmado ng kanilang supervisors.

Sa mga lugar namang nakasailalim sa general community quarantine (GCQ) ay puwede ng ituloy ang kanilang trabaho at kailangan lamang nilang sumunod sa mga panuntunan.

Kung naka-work from home naman ay wala ring problema basta kumpleto ang mga requirements na kailangan ng DOLE bilang patunay na sila ay talagang nagtrabaho.

Sinabi ni Information Officer Trinidad na sa buong region 2 ay nasa 3,213 ang kabuoang GIP beneficiaries at umabot na rin sa mahigit P80 million ang kanilang naibigay ngayong taon.

Ang GIP ay programa para mabigyan ng experience ang mga estudyante na magtrabaho sa pamahalaan at nagtatagal ng tatlo hanggang anim na buwan depende sa performance ng mga benepisyaryo.