-- Advertisements --

Pinayuhan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga kompanya na hindi nakapagbayad ng regular holiday pay ng kanilang mga manggagawa na bayaran na ito bago matapos ang kasalukuyang taon.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DOLE Labor Relations, Social Protection and Policy Support Cluster Undersecretary Benjo Santos Benavidez na dahil sa pandemya may ilang kompanya ang hindi nakapagbayad ng holiday pay ng kanilang mga empleyado.

Ayon kay Usec. Benavidez, dahil dito binibigyang pagkakataon ng DOLE ang mga nabanggit na kompanya na bayaran ang holiday pay ng kanilang mga empleyado bago matapos ang 2020.

Magugunitang na mayroong 12 regular holidays ang taon at ang ilan dito ay special non-working holidays kung saan may dagdag na sweldo ang mga pumasok na manggagawa.

Babala nito sa mga hindi tatalimang kompanya o negosyo na kapag napatunayang hindi sila nagpapasahod ng tama at nagbibigay ng regular holiday pay ay maaari silang maparusahan.

Pinakamatindi na umano dito ay pagsamsam sa mga ari-arian ng kompanya at saka ito paghahati-hatian ng mga agrabyadong mga manggagawa.