Nanawagan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga employers na intindihin ang mga empleyado nilang hindi pa makakapagtrabaho sa pagbabalik ng operasyon ng ilang mga kompanya.
Ayon kay DOLE Usec. Ana Dione, huwag raw sanang magpataw ng disciplinary action ang mga employers lalo pa’t humaharap ngayon ang lahat sa krisis na dulot ng coronavirus pandemic.
Marami pa kasing mga empleyado ang hindi pa makakabalik sa pagtatrabaho dahil sa limitadong transportasyon, lalo na sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine gaya ng Metro Manila.
“Please take care of the workers because we’re in a difficult situation. Wala po sanang mga disciplinary action na kaagad-agad gagawin,” wika ni Dione.
“Take a look at it on a case-to-case basis,” dagdag nito.
Bagama’t kinakailangan aniyang magbalik-trabaho ang mga manggagawa sakaling magbukas muli ang kanilang mga kompanya, dapat ay maging mas mabait daw ang mga employers sa kanilang mga empleyado.
Nang matanong naman kung irerekomenda ng DOLE ang pagdagdag sa araw ng sick leave ng mga empleyado, sinabi ni Dione na bahala na raw ang kompanya rito.
Nagpaalala ang DOLE official na minimum ang limang araw kada taon sa sick leave.
Kaugnay nito, sinabi ni Department of Trade and Industry Usec. Ruth Castelo na dapat ay sagutin ng mga employers ang pagpapa-test sa kanilang mga empleyado kung ioobliga nila ang mga ito na magpasuri.
Hindi rin aniya dapat ipasa sa mga manggagawa ang bayad sa personal protective equipment na kailangan sa trabaho.