-- Advertisements --

CEBU CITY – Nilinaw ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na exempted ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa pinapatupad na travel ban.

Inihayag ni Bello sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cebu na tanging ang mga residente sa isang bansa na kabilang sa travel ban ang hindi pinapayagang pumasok sa Pilipinas.

Ayon pa nito, hindi “applicable” sa mga OFWs ang naturang travel ban.

Dagdag pa nito na walang pinapatupad na travel ban ang bansa sa United Arab Emirates (UAE).

Ito ang naging pahayag ng kalihim kaugnay sa paghingi ng tulong ng isang OFW sa Dubai sa himpilan ng Bombo Radyo, matapos itong na-stranded dahil ilang beses na umanong inaayawan ng mga airlines dahilan kaya hindi umano makapasok sa Pilipinas ang mga pasahero mula sa UAE, bagay na pinabulaanan ni Bello.

Gayunpaman, pinapangako ng kalihim na tutulungan ang pamilya ng OFW sa lalong madaling panahon para sa pag-uwi nito sa Pilipinas.

Kaugnay nito, laking pasasalamat ng may bahay ng OFW na si Riza Nioda sa koordinasyon na isinagawa ng Bombo Radyo Cebu upang makamit din ang tulong ng DOLE para sa pagpapauwi ng kanilang padre de pamilya.