-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang ibibigay na tulong sa pamilya ng mga Overseas Filipino Workers o OFWs sa Kingdom of Saudi Arabia na namatay dahil sa COVID-19 at sa iba’t ibang kadahilanan.

Matatandaan na umabot sa dalawang daan walumpu’t dalawa ang namatay na OFW sa naturang bansa at limampo rito ay namatay dahil sa COVID-19.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay kalihim Silvestre Bello III ng DOLE, sinabi niya na may ibibigay na death benefits, burial benefits, at scholarship benefits sa anak ng mga namatay na OFWs.

Una rito, sinabi ni kalihim Bello na may natanggap silang order mula sa KSA tungkol sa pagkamatay ng mga OFWs sa kanilang bansa at kung maari ay maiuwi na sila sa loob ng 72 oras at kung hindi ay ililibing na lamang sila doon.

Nakiusap ang DFA at ang tanggapan nila sa Riyadh na kung maari ay bigyan pa sila ng sapat na oras para maiuwi ang katawan ng mga namatay na OFWs

Gayunman, ayon umano sa IATF ang limampong namatay dahil sa COVID-19 ay payagan na lamang na doon na ilibing habang ang natitirang iba pa ay unti-untiin na lamang na iuwi sa bansa.

Ayon kay kalihim Bello, napagbigyan ang kanilang kahilingan na bigyan sila ng sapat.

Sinabi pa ni kalihim Bello na kakausapin nila ang kamag-anak ng mga namatay dahil sa COVID-19 at ipapaliwanag ang sitwasyon gayundin ang pamilya ng mga namatay na OFWs at baka mayroon ding papayag sa kanilang mga pamilya na ilibing na lamang ang kanilang kaanak doon.

Ayon pa kay kalihim Bello, sa limampong namatay dahil sa COVID-19 ay dalawa ang mula sa Isabela at karamihan sa kanila ay mula sa Mindanao.

Samantala, sinabi pa ng kalihim na may labing-anim na libong darating sa bansa mula noong Mayo hanggang ngayong Hunyo.

Apatnapu’t apat na libo aniya silang lahat subalit labing-anim na libo pa lamang ang nakakumpleto ng papeles.