CAUAYAN CITY – Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi makakaapekto sa kanilang mga programa ang pagkaka-line veto ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2019 national budget na kinabibilangan ng ahensiya.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Labor Sec. Silvestre Bello III na nakasaad sa panuntunan na ang collection ng National Labor Relations Commission (NLRC) ay hindi dapat ginagastos.
Dahil dito ay matitigil na ang nakaugalian ng NLRC na paggastos sa kanilang collection.
Sinabi pa ni Bello na maaaring pinayagan ang NLRC na gastusin ang kanilang collection ngunit nakita ito ng pangulo na mali kaya kanyang itinama.
Iginiit ni Bello na dapat hindi gastusin ang collection ng NLRC kundi kailangang mapunta sa national treasury .
Tiniyak pa ng kalihim na lahat ng kanilang programa ay pinanatili ng pangulo tulad ng emergency employment program, DOLE integrated livelihood program at schoolarship program para sa mga kabataan.