-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Pinawi ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang pangamba ng mga manggagawa kaugnay sa pahayag ng Malakanyang na wala ng aasahan ang mga Pilipino na nawalan ng trabaho.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Labor Secretary Bello na mayroon pa namang pondo ang DOLE para mabigyan ng tulong ang lahat ng mga mawawalan ng trabaho.

Katunayan aniya ay kasalukuyan ang pagbibigay nila ng ayuda sa mga nawalan ng trabaho sa mga rehiyon.

Ayon sa kanya, hindi hahayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga manggagawa sa bansa.

Sa kabila naman nito ay umaasa sila na bababa ang unemployment sa bansa kapag pumasa na ang wage subsidy program ng ahensya.

Pabor naman aniya ito sa Department of Budget and Management o DBM at wala namang sinasabi ang pangulo na tutol siya rito.

Ang problema na lamang ngayon ay kung papasa ito sa kongreso.

Ang wage subsidy program ng DOLE ay magiging bahagi ng Bayanihan III.