-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) na makukumpleto na nila ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mga manggagawa na apektado ng COVID-19 pandemic bago ang Pasko.

Sinabi ni Labor Undersecretary Benjo Santos, na dapat maubos na ang perang nakalaan sa pagbibigay ng ayuda sa mga manggagawa.

Ang financial assistance ay kinabibilangan ng COVID-19 Adjustment Measure Program (CAMP) at Abot Kamay Ang Pagtulong (AKAP) Program, emergency employment under Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program at livelihood assistance sa ilalim ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP).

Sa ilalim ng CAMP, ang mga apektadong manggagawa ay makakatanggap ng P5,000 na financial assistance habang sa ilalim ng TUPAD program ay magbibigay ng temporaryong trabaho sa mga manggagawa sa informal sectors na nawalan ng kita.

Mayroon namang mula P10,000 ang ipamimigay sa ilalim ng AKAP program sa OFW na apektado ang kita dahil sa pandemya.