Tiniyak ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa International Labour Organization (ILO) na kanilang tinutugunan ang mga napaulat na pag-atake sa mga trade unionists sa Pilipinas.
Sa kanilang 2022 report sa application ng international labour standards na inilabas noong Pebrero 9, nanawagan ang ILO sa pamahalaan ng Pilipinas na kaagad na magsagawa ng “effective” investigations hinggil sa mga pagpatay sa mga labor unionists.
Ikinakabahala ng ILO ang anila’y “extreme seriousness” ng alegasyon na ito lalo pa at paulit-ulit na rin silang nakakatanggap ng impormasyon hinggil dito.
Sa isang statement, sinabi ng DOLE na na mayroon nang nakasuhan at umuusad na rin ang mga imbestigasyon hinggil sa mga napaulat na trade union rights violations.
Mayroon din anilang functional administrative mechanisms at legal remedies na nagmo-monitor at tumutugon sa mga kaso nang paglabag sa labor at trade union rights.
Nabatid na nasa 60 cases ng extrajudicial killing at attempted murder sa ilalim ng kasalukuyang iniimbestigahan.
Sa naturang bilang 20 dito ang pending sa mga korte, at ang nalalabi naman ay patuloy na iniimbestigahan pa.