Tinuligsa ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang pagkakabilang ng Pilipinas sa listahan ng International Trade Union Confederation’s top 10 worst countries for workers.
Ani Laguesma, hindi ito makatwiran at hindi ito sumasalamin sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.
Dagdag pa ng kalihim, nakalulungkot at hindi katanggap tanggap ang ipinagkaloob na rating ng ITUC sa ating bansa kung saan binigyan nito ang Pilipinas ng rating na 5.
Ang rating na 5 ay nagpapahiwatig na “while the legislation may spell out certain rights, workers have effectively no access to these rights and are therefore exposed to autocratic regimes and unfair labor practices.”
Binanggit din ng ITUC ang red-tagging at pagpaslang sa Filipino labor unionist, kabilang na sina BPO Industry Employee Network organizer Alex Dolorasa at Kilusang Mayo Uno (KMU) organizer Jude Thaddeus Fernandez, at sinabing ang pagpatay sa dalawang kilalang unionist ay lumikha ng takot at pagpapatahimik din ito sa boses ng mga manggagawa.
Kwinestyon din ni Laguesma ang iniulat na kakulangan sa access sa karapatan ng mga manggagawa. “Totoo po na mayroong mga kaso at hindi naman po natin ‘yan ipinagwawalang bahala. Pero sa pananaw po namin, ito naman ay mga isolated cases na meron pong hakbangin kaagad na isinasagawa ang atin pong pamahalaan,”
Binigyang diin ni Laguesma na ang mga nabanggit na kaso ay hindi pa rin sapat para mapabilang ang Pilipinas sa listahan ng worst countries.