-- Advertisements --
IMAGE | Labor Sec. Silvestre Bello III

Anumang oras ngayong araw ay posibleng itaas sa Alert Level 3 ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang advisory sa mga Pilipinong manggagawa sa Libya.

Ito ang kinumpirma ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III sa isang panayam, sa gitna ng patuloy na gulo sa capital city na Tripoli.

Ayon kay Bello nakatakdang humarap sa isang pulong ngayong araw ang governing board ng POEA para kumpirmahin ang naunang pahayag ni DFA Usec. Elmer Cato na itinaas na ng kagawaran ang alerto sa mga Pilipinong naroon sa naturang bansa.

Nangako naman ang kalihim na agad silang maglalabas ng board resolution para sa total deployment ban sakaling itaas ng DFA sa Alert Level 3.

Sa ngayon nasa Alert Level 2 pa rin ang sitwasyon ng mga OFW sa Libya.

Ibig sabihin tanging yaong mga “balik manggagawa” lang ang mga nagbakasyon dito sa Pilipinas ang maaaring makabiyahe pabalik doon.

Hindi rin muna maaaring magpalipad ng mga bagong OFW.

Habang pwersahang pauuwiin ng bansa ang mga ito kapag lumala pa ang sitwasyon at itaas sa Alert Level 4.

Batay sa datos ng DOLE aabot sa 3,500 ang bilang ng mga Pilipinong manggagawa sa Libya.

Pinakamarami sa mga ito ang nasa linya ng healthcare o ‘yaong mga nurse.

Hinimok naman ni Bello ang mga Pinoy na nais ng umuwi ng bansa dahil libre ang voluntary repatration program ng pamahalaan.

Kailangan lang daw na magtungo ang mga ito sa tanggapan ng Philippine Embassy at Philippine Overseas Labor Office para sa mga detalye at proseso.