-- Advertisements --

Umaapela ang Department of Labor and Employment (DOLE) na maibalik ang kanilang pondo para sa ilan sa kanilang programa sa 2021.

Ito ay matapos na mapansin ni ACT Teachers party-list Rep. France Castro ang pagkakatanggal sa ilang items sa budget ng DOLE para sa susunod na taon.

Ayon sa DOLE, hindi isinama ng Department of Budget and Management (DBM) sa isinumiteng National Expenditure Program (NEP) sa Kongreso kamakailan ang P87 million proposal para sa kanilang computerization program.

Binawasan din anila ng DBM ang inilaang alokasyon para sa Job Search Assistance program mula sa P135 million na request ay ginawa na lamang itong P112 million.

Sinabi ni Castro na mainam kung maibalik at madagdagan ang pondo ng DOLE para sa mga programang ito lalo pa at inaasahang marami pang mga OFWs na apektado ng COVID-19 pandemic ang uuwi ng bansa sa susunod na taon.

Mahalaga aniya ang pondong ito upang sa gayon ay mabigyan ng karampatang tulong ang mga repatriated OFWs lalo na sa paghahanap din ng panibagong trabaho.