-- Advertisements --

Muling bubuksan na sa publiko ang Manila Bay Dolomite Beach sa Hunyo 12.

Ito ang panahon ng pagdiriwang ng ika-124 na Araw ng Kalayaan ng bansa ayon kay acting Environment Secretary Jim Sampulna.

Una nang itinakda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang muling pagbubukas ngayong buwan, ngunit ipinagpaliban ito dahil hindi pa tapos ang ilang bahagi ng imprastraktura sa Baywalk area.

Sinabi naman ni Jonas Leonen, DENR undersecretary for policy, planning and international affairs, na ang 500-meter beach nourishment project, na sinimulan noong 2020, ay napatunayang stable sa kabila ng mga pag-ulan at baha.

Dagdag pa niya na ang muling pagbubukas ay gaganapin kasama ang pag-unveil ng World War II Heritage Cannon sa Remedios “upang ipahiwatig na ang labanan sa paglilinis ng Manila Bay ay hindi pa tapos.”

Aniya, ang kanyon ay mula sa Fort Drum Island sa bukana ng Manila Bay.

Nilinaw naman ni Manila Bay Coordinating Office executive director Jacob Meimban na hindi pa pinapayagan ang paglangoy sa dalampasigan dahil ang kalidad ng tubig ay wala pa rin sa 100 most probable number per 100 milliliters (MPN/100 mL) standard fecal coliform level.