Ipinag-utos ni Environment Sec. Roy Cimatu ang pansamantalang suspensyon sa dolomite operations ng dalawang kumpanya sa bayan ng Alcoy, Cebu.
Sa kaniyang pahayag sa Cebu, sinabi ni Cimatu na layon ng pasya na mabigyang-daan ang gagawing imbestigasyon ng DENR sa epekto sa kalikasan ng dolomite quarrying.
Ayon pa kay Cimatu, epektibo ang suspensyon simula ngayong araw, Setyembre 25.
Dumalaw si Cimatu sa Alcoy, Cebu upang siyasatin ang dolomite-quarrying.
Kasabay nito, inatasan ni Cimatu ang Environmental Management Bureau sa Central Visayas (EMB-7) na kumuha ng water samples at magsagawa ng air monitoring sa Philippine Mining Services Corporation (PMSC).
Nakabase ang PMSC sa Barangay Pugalo sa Alcoy at ito ang nagproseso ng dolomite na binili ng DENR mula sa Dolomite Mining Corporation (DMC).