LEGAZPI CITY – Pinag-iingat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Bicol ang mga residente na malapit sa baybaying-dagat sa paghawak o tangkang pag-rescue sa mga napapagawing marine animals.
Kaugnay ito ng pagkakapadpad ng isang 2.3-m female bottlenose dolphin sa Dimasalang, Masbate na nakitaan ng seryosong sakit batay na rin sa mga bukol at sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay BFAR Bicol spokesperson Nonie Enolva, pinaniniwalaang namatay ang naturang marine animal sa sakit na zoonosis na maaring makahawa sa tao na iniuugnay sa mga virus, fungi, bacteria at parasites.
Kumuha na rin ng tissue sample ang mga trained personnel ng lokal na pamahalaan sa pagsusuri sa sakit ng hayop.
Ayon pa kay Enolva na batay sa pag-aaral ng World Health Organization (WHO), tinatayang 61% ng sakit sa mga tao ay zoonotic ang pinagmulan maging ang 75% ng mga bagong natuklasang sakit sa nagdaang dekada.
Ito na rin umano ang nakuhang marine animal na may pinakamalalang sakit sa rehiyon na makakahawa sa pamamagitan na direct contact.