Tiniyak ni Finance Sec. Carlos Dominguez na tuloy ang pagbibigay ng dagdag sahod sa mga empleyado at kawani ng gobyerno.
Ito’y kasunod ng panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na ipasa ang ikalimang tranche ng Salary Standardization Law (SSL).
Ayon kay Dominguez inaabot talaga ng tatlo hanggang apat na taon bago magpatupad ng bagong salary increase.
“We normally wait three to four years before moving to SSL 5. However, the President decided to propose the SSL. We have done the numbers, and we can afford it,” ani Dominguez.
Pero nakalkula naman na raw nila ang pondo at wala na silang nakikitang balakid sa implementasyon ng dagdag sahod.
Sa kanyang State of the Nation Address inamin ni Duterte na bagamat hindi kalakihan ay may aasahang salary increase ang public school teachers at mga nurse.
“To the teachers who toil and work tirelessly to educate our young, kasali na po dito ‘yung hinihingi niyo; hindi masyadong malaki pero it will tide you over.”
Sa ngayon patuloy daw na binabalangkas ng Finance at Budget department ang halaga ng increase na ipapataw sa sahod ng naturang mga kawani ng gobyerno.
Kung maaalala, panahon pa ng administrasyong Aquino nang ilabas ang kautusan para sa 4th trance ng SSL.
Pero nitong taon lang ito naipatupad nang mapondohan sa ilalim ng 2019 budget.
Ilang mambabatas na rin ang naghain ng panukalang batas para sa ikalimang tranche nito ngayong 18th Congress.