Umaasa si dating four-division world champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire na matutuloy na ang sagupaan nila ni Puerto Rican boxer Emmanuel Rodriguez.
Ito’y makaraang lumabas ang resulta ng kanyang confirmatory test na nagnegatibo ito sa COVID-19.
Ayon kay Donaire, kinailangan niya at ng kanyang asawa at manager na si Rachel na sumailalim sa isa pang test dahil duda sila sa lumabas sa inisyal na COVID-19 test.
“We asked for a confirmatory test to make sure I was positive. They said NO. So I had to pay to get one done,” saad ni Donaire sa Twitter.
Nakatakda sanang harapin ni Donaire si Rodriguez para sa bakanteng WBC crown sa Disyembre 19 sa Mohegan Sun Arena sa Connecticut.
Ngunit matapos na magpositibo sa deadly virus, sinasabing umatras si Donaire sa laban at posibleng palitan ng isa pang Pinoy na si Reymart Gaballo (23-0, 20 KOs) sa Showtime main event.
Huling tumuntong sa ibabaw ng ring si Donaire (40-6, 26 KOs) noong Nobyembre 2019 kung saan natalo ito sa kamay ni Japanese superstar Naoya Inoue sa bantamweight final ng World Boxing Super Series.