Umatras na si dating wotld champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire sa nalalapit nitong title match matapos magpositibo sa COVID-19.
Batay sa ulat, umurong na ang 38-anyos na si Donaire sa nakatakda nitong WBC bantamweight title bout kontra kay Emmanuel Rodriguez matapos lumabas ang positive test.
Ito pa naman sana ang main event ng card ng showtime sa Disyembre 19 sa Mohegan Sun Arena sa Uncasville, Connecticut.
Posible pa rin naman daw matuloy ang laban dahil nakahanay ang isa pang Pilipinong si Reymart Gaballo na hahalili kay Donaire sa main event.
Hawak ng 24-anyos na si Gaballo ang malinis na 23-0 win-loss record, at may 20 knockouts.
Nakatakdang harapin ni Gaballo si Jose Velasquez ng Chile para sa WBA bantamweight belt sa kaparehong fight card.
Huling tumuntong sa ibabaw ng ring si Donaire (40-6, 26 KOs) noong Nobyembre 2019 kung saan natalo ito sa kamay ni Japanese superstar Naoya Inoue sa bantamweight final ng World Boxing Super Series.