VIGAN CITY – Tiniyak ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na hindi makukurakot o maibubulsa ng mga korap na opisyal ang mga malilikom na donasyon para sa mga biktima ng lindol sa Itbayat, Batanes noong July 27.
Sinabi sa Bombo Radyo Vigan ni NDRRMC- OCD spokesman Mark Timbal na bahala umano ang Commission on Audit (COA) na mag-audit at maglista sa mga donasyon mula sa mga local government units at ilang pribadong indibidwal o grupo.
Aniya, lahat umano ng mga donasyon ay ilalagay sa isang tabi nang sa gayon ay organisado ang paggamit sa mga ito.
Magagamit lamang umano ang mga nasabing donasyon kapag tapos na ang comprehensive damage assessment sa lugar.
Ipinaliwanag pa nito na hindi na umano sakop ng pamahalaan kung mayroong mga pribadong indibidwal o grupo na personal na magtutungo sa lugar upang i-abot ang kanilang mga donasyon dahil tanging mga donasyon lamang na idinadaan sa pamahalaan ang saklaw ng audit ng COA.