KALIBO, Aklan — Malaking tulong ang donasyong LISA robot upang malimitahan ang exposure ng mga health care workers sa pag aasikaso sa mga pasyenteng may coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa Kalibo, Aklan.
Ayon kay Executive Assistant II Basil Tabernilla ng lokal na pamahalaan ng Kalibo, mapalad sila na nabigyan ng isang unit ng Logistic Indoor Service Assistant (LISA) robots na ginawa ng mga eksperto ng University of Santo Tomas kahit na iilan pa lamang ang na-produce nito.
Nagtulungan aniya ang mga opisyal at kasapi ng Kalibo Pilot Elementary School Batch 1968 upang makahingi ng nasabing robot sa UST at Department of Science and Technology (DOST).
Gagamitin ang teknolohiya upang epektibong makatugon sa pandemya.
Ang LISA Robot ay isang remote-controlled wheeled device kung saan makakausap ng health professionals ang kanilang pasyente sa pamamagitan ng Wi-Fi gamit ang computer, tablet, o smartphone.
Pinapagana ito ng 12-volt battery na tatagal hanggang walong oras.
May kakayahan rin itong magdala ng mga gamot at iba pang supplies sa pasyente.
Dagdag pa ni Tabernilla na ang LISA robot ay idi-deploy sa kanilang mga ipinatayong Local Covid Center (LCC).