LA UNION – Nagpaalala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga kababayan hinggil sa umiiral na national guidelines tungkol sa pagsasagawa ng fundraising o solicitation campaigns para sa mga sinalanta ng mga nagdaang kalamidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay DSWD Regional Office-1 Information Officer Darwin Chan, sinabi nito na may mga grupo o indibidual ang nagsasagawa ng donation drives para sa mga apektadong pamilya dahil sa pananalasa ng bagyong Rolly at Ulysses.
Ayon kay Chan, nakapaloob sa DSWD Memorandum Circular 17 series of 2014 na hindi pinapahintulutan ang anumang organisasyon o indibidual na magsagawa ng donation drive kung walang public solicitation permit na manggagalin sa kanilang tanggapan o sa lokal na pamahalaan.
Sa paliwanag ni Chan, layunin ng pagbibigay ng public solicitation permit sa mga nais tulong na tiyakin na mayroon ng transparency at accountability para malaman kung saan iaabot ang mga nalikom na salapi.
Ipinaalala pa ng opisyal sa mga kababayan na siguraduhin na may pahintulot mula sa DSWD ng mga humihingi ng pera bilang donasyon para sa mga sinalanta ng kalamidad.
Sa panahon ngayon na may pinagdadaanang krisis ang bansa ay posibleng sasamantalahin ito ng mga organisasyon na nagsasagawa ng bogus na charitable works upang makalikom lamang ng pera para sa sariling kapakanan.
Pinayuhan naman ni Chan ang mga nagnanais magsagawa ng fundraising campaign na magtungo sa kanilang tanggapan dahil wala namang bayad ang pagkuha ng public solicitation permit.