-- Advertisements --

Tinuldukan na ng Los Angeles Lakers ang 4-game lossing streak nito matapos pataubin ang Phoenix Suns, 107 – 96.

Maalalang mula noong na-injure si Lebron James ay hindi na nagawa ng koponan na manalo sa kabila ng mga impresibong laro ni Lakers guard Luka Doncic.

Gayonpaman, natuldukan ang apat na magkakasunod na pagkatalo matapos buhatin ni Luka ang Los Angeles gamit ang 33 points, 11 rebounds, at walong assists, dahilan upang itumba ang Phoenix.

Hindi napigilan nina Kevin Durant at Devin Booker ang Lakers at sa halip ay nalimitahan lamang ang dalawa sa combined 40 points.

Mistulang hindi pa rin mahanap ng Suns ang kanilang chemistry matapos ang malamyang depensa habang hirap ding ipasok ang mga pinakawalan nitong mga shots.

Nagawa pa ng Suns na pababain ang kalamangan sa 100 – 92, dalawang minuto bago matapos ang laro, ngunit hindi na pumayag ang Lakers na tuluyang makahabol ang Phoenix at tuluyang sinelyuhan ang laban, gamit ang 11-point lead.

Sa panalo ng Lakers, napanatili nito ang hawak sa ika-5 pwesto sa West, tangan ang 41 – 25 win-loss series.

Samantala, ayon sa Lakers, patuloy pa ring nagpapagaling si Lebron at hanggang sa ngayon ay wala pang pinal na petsa ng kaniyang posibleng pagbabalik-aksyon.