Bagamat 12 games pa lang ngayong ikatlong season ng kanyang career, agad nang nagtala ng kasaysayan ang 21-anyos na Dallas Mavericks superstar na si Luka Doncic.
Ito ay makaraang itala ngayong ang kanyang ika-29 na career triple double performance.
Sa kabila ng all around performance, natalo naman ang Mavs ng Chicago Bulls, 117-101.
Sinisi tuloy ni Luka ang kanyang sarili sa ika-anim nilang pagkatalo, kung saan anim din ang kanilang panalo mula ng magsimula ang season.
Ang Bulls (5-8) ay meron pa lamang limang panalo.
Pero kahit papaano ay natuldukan ng Bulls ang apat na sunod-sunod na talo.
Nanguna sa pagsilat sa Mavs si Lauri Markkanen na tumipon ng 29 points, 20 rebounds at 3 assists.
Sinamantala rin naman ng Chicago ang kakulangan ng limang players ng Mavs na sina Jalen Brunson, Dorian Finney-Smith, Maxi Kleber, Dwight Powell at Josh Richardson na isinailalim sa NBA health at safety protocol bunsod ng COVID-19.
Sa naturang laro nagposte ng monster performance si Luka na may 36 points, 16 rebounds at 15 assists.
Ang Slovenian player ay nagpasok din ng anim na three point shots.
Ngayon pa lamang matunog na ang mga pustahan ng mga sugarol sa Las Vegas na baka si Doncic ang susunod na tatanghaling MVP sa NBA.
Mabilis naman ang mga analysts na pagkumparahin si Luka na kung tutuusin ang nagawa nito sa pinakabatang edad ay hindi naabot noong 21-anyos sina LeBron James, mga NBA legend na sina Magic Johnson at Kobe Bryant.
“I was just taking some shots I shouldn’t be taking. Just have to do way better than this,” ani Doncic. “As a team we have to step up especially defensively and bring the energy.”
Sa ngayon si Doncic ay tabla na kay Grant Hill na nasa ika-15 pwesto sa all-time leaders sa triple-doubles.
Ang numer uno naman ay si Oscar Robertson na nakatipon ng 181 career triple-doubles.
Pumapangalawa sa listahan si Russell Westbrook na may 150 at nasa pang-lima naman si James na may 95.
Ang dalawa ang tanging mga players na nasa top five na mga aktibo pa.