Ibinunyag ng Pinoy rock icon na si Dong Abay na itutuloy nito ang balak na paghahain ng reklamong cyber libel laban sa mga nagpapakalat na siya raw ang lalaking may hawak na walis tambo nang salakayin ng mga tagasuporta ni US President Donald Trump ang Capitol Hill sa Washington kamakailan.
Sa isang Facebook post, iginiit ni Abay na hindi siya ang binansagang “Captain Walis Tambo” dahil sa kanyang costume habang may hawak na walis tambo.
“This is to inform the public that I’m pursuing a cyber libel case to be administered by a U.S. lawyer against Gemma Nemenzo and Rodel Rodis for spreading fake news,” ani Abay.
Paglalahad ni Abay, si Rodis, na isang Filipino-American na immigration lawyer na nakabase sa California, ang siyang nagpakalat na ang Pinoy musician ang taong nasa viral na larawan.
“I don’t f*cking care if you’re an immigration lawyer or a Filipino-American because I’m a rockstar. #boomer #boomerang,” dagdag ni Abay.
Sa panig naman ni Rodis, nakuha lamang daw nito ang impormasyon sa isang nagngangalang Gemma Nemenzo.