-- Advertisements --

Inilunsad ng Mandaue City Health Office (MCHO) nitong Martes, Pebrero 18, 2020, ang door to door na pagbabakuna ng anti-polio para sa mga batang nalaktawan ng dosis nito.

Sinabi ni Dr. Rosemarie Ouano-Tirado na ang kanilang kampanya ay magpokus lalo na sa mga barangay Tingub, Maguikay, Casuntingan, Alang-Alang, Umapad, Paknaan, at Opao.

Sa pitong araw nitong kampanya, maghahanap sila ng mga batang apat na taong gulang pababa na hindi pa napabakunahan ng anti-polio.

Binuo sa tatlong beses ang bakuna at dapat na ibigay sa mga sanggol sa kanilang iskedyul ng pagbabakuna ngunit ang iba’y hindi na bumalik para sa kanilang pangalawa at pangatlong dosis.

Inamin ng doktora na kasunod ng kontrobersya ng Dengvaxia (Dengue vaccine) sa pagitan ng 2016 hanggang 2017, bumaba ang kanilang accomplishment sa pagbabakuna.

Sinabi rin ni Tirado na gagawa sila ng isang house to house survey upang makakita ng posibleng kaso ng polio o yaong nagpapakita ng mga sintomas nito tulad ng lagnat, fatigue, at pamamaga ng ibabang bahagi ng katawan.

Target nila na sa loob lang ng pitong araw ay makumpleto ang pagbabakuna.

Pagbabasehan pa umano nila ang listahan ng mga batang may edad 4 na taon pababa na nagsisimula pa lang at hindi pa kompletong bakuna.

Kamakailan inanunsyo ng Department of Health (DOH) na nagpositibo sa poliovirus ang mga samples na kinuha mula sa Butuanon River.

Samantala, ipinag-utos na ngayon ni Mandaue City Mayor Jonas Cortes sa publiko na huwag lumapit sa Butuanon River, Mahiga Creek, at Tipolo River.