DAVAO CITY – Aabot sa 4,076 security personnel ang ide-deploy sa mismong araw ng panunumpa ni incoming Vice President Sara Duterte Carpio sa araw ng Linggo.
Nagbabala rin ang Davao City Police Office (DCPO) na sumunod sa “Do’s and Dont’s” sa nasabing aktibidad.
Sinabi ni DCPO spokesperson Maj. Maria Teresita Gaspan na ipapatupad ang lahat ng existing City Ordinance sa Davao City kagaya na lamang ng mandatoryong pagsusuot ng facemask.
Pinagbabawal din ang pagdadala ng backpack pati na rin ang pagsusuot ng jacket.
Maliban dito, hindi rin papayagan ang mga drone, maliban na lamang sa mga una nang nakakuha ng security clearance.
Bawal din ang mga alcoholic drinks, bladed weapons at iligal na droga.
Nanawagan din ang DCPO sa mga Dabawenyo na maging responsable sa kanilang mga basura.
Nilinaw ni Gaspan na walang natatanggap na kahit anumang seyosong banta ang lungsod, ngunit iginiit nito na hindi sila magpapakampante.
Siniguro ng kapulisan na ligtas ang lahat ng tao na dadalo sa inagurasyon gayudin sa mismong venue.
Nagpapatuloy din daw ang monitoring, peace build-up upang maiwasan ang anumang hindi kanais-nais na pangyayari sa mismong panunumpa ng alkalde ng Davao sa ikalawang pinakamataas na pwesto sa bansa.
Alinsunod dito, nakahanda na ang lahat ng miyembro ng Davao PNP, mga hukbo at iba pang security counterparts para sa naturang oath-taking ceremony.