Nakatakdang maghost ang Department of Science and Technology-7 ng Handa Pilipinas Visayas leg ngayong Hulyo 24-26 sa isang sikat na hotel sa Brgy. Lahug nitong lungsod ng Cebu.
Layunin ng HANDA Pilipinas na ihanda ang mga komunidad at barangay sa pamamagitan ng agham at teknolohiya at nagbibigay ng kapangyarihan sa lahat na mag-ambag sa patuloy na pagsisikap at upang bumuo ng isang mas matatag at handa na bansa.
Inihayag ni Department of Science and Technology-7 Officer-in-charge Engr. Adrian Cruz, na kaugnay ng naturang aktibidad ay dadalhin ng ahensya dito ang mga national level na exhibits at mga DOST-develop na mga teknolohiya mula sa Central Office.
Sinabi pa ni Cruz na hindi lamang mga attached agencies kundi maging mga aktibong partners nito sa Disaster Risk Reduction and Management ang lalahok sa forum, exhibits at pagbabahagi ng mga karanasan at kadalubhasaan .
Isa pa aniya sa kanilang pangunahing forum ay ang magHANDA forum kung saan ang mga communication hazards, mga risk at lahat ng iba pang mga bagay ay ipapaliwanag sa termino ng karaniwang tao sa mga Disaster Risk Reduction and Management officers.
Sinabi pa ni Cruz na ang mga ito’y kanilang pinakatarget at prayoridad sa lahat ng lokal na Pamahalaan sa Visayas region.
Dagdag pa nito na asahan umano ang ‘full pack event’ dahil bukod sa Regions 6,7 at 8 ay nagpahayag umano ng interes na dumalo sa aktibidad ang ilang LGUs sa Southern Luzon dahil mas malapit pa umano ito sa kanilang area kumpara sa Ilocos Norte kung saan ginanap ang Luzon leg sa unang bahagi ng buwang ito.