
MANILA – Bukas ang Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD) na magsagawa ng pag-aaral para malaman ang bisa ng COVID-19 vaccines sa mga Pilipinong menor de edad.
Ito ay sa gitna ng mga clinical trial na ginagawa sa ibang bansa para matukoy ligtas at epektibo na rin ba sa mga bata ang maturukan ng coronavirus vaccine.
“Ongoing na yung mga pag-aaral, pero kami ay open kung kinakailangan ay pag-aralan din ito para makita natin kung ang response ng ibang bansa ay katulad ng mga Pilipino kapag binakunahan ang ating mga menor de edad,” ani Dr. Jaime Montoya, Executive Director ng DOST-PCHRD.
Noong nakaraang buwan nang aprubahan ng US Food and Drug Administration (FDA) ang paggamit ng Pfizer-BioNTech vaccine sa mga menor de edad na 12 hanggang 15-anyos.
Nitong Hunyo naman nang aprubahan din sa China ang CoronaVac vaccine ng Sinovac, para naman sa mga 13 hanggang 17-years old.
“Kung tayo man ay gagawa ng polisiya at rekomendasyon na pwede ng bakunahan ang mga kabataan gamit ang available na bakuna, ito ay base sa resulta ng mga isinasagawang pag-aaral.”
Inamin ng Department of Health na naaprubahan na rin ng FDA ng bansa ang paggamit ng Pfizer vaccines sa mga 12 hanggang 15-years old na kabataan.
Pero iginiit na dahil limitado pa ang supply ng bansa sa mga bakuna, prayoridad munang bibigyan ang mga healthcare workers, senior citizens, at may comorbidity.
“Pwede nating gawin yan kung yan ay dedesisyunan ng ating DOH at Inter-Agency Task Force kung kailangan gawin.”