-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Hindi umano ipinagsasawalang bahala ng Department of Science and Technology (DOST) ang posibilidad na pagkakaroon ng malakas na lindol o “The Big One.”

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DOST Sec. Fortunato dela Peña, hindi aniya mapi-predict kung magkakaroon ng lindol kaya nananatili ang imminent danger.

Ayon pa kay dela Peña na mayroon na ring mga proyektong ginagawa ang DOST, Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Kabilang sa mga pinagtutulungan ang paglalagay ng mga instrumento sa mga tulay at toll building ng pamahalaan na may namamalaging mga tao.

Ito aniya ang magdedetermina sa kabuuang pundasyon at estado ng imprastraktura lalo na kung may banta na gumuho sakaling magkaroon ng malakas na lindol.

Samantala, dahil sa mahal na imported instruments, mayroon nang dini-develop ngayon ang local researchers na aktwal na instrumento sa tulong ng partner university.