MANILA – Tatlong brand ng bakuna laban sa coronavirus (COVID-19) ang target pang pag-aralan sa populasyon ng mga Pilipino, ayon Department of Science and Technology (DOST).
Inamin ni Science Usec. Rowena Guevara na nakatanggap ng bagong aplikasyon ang Task Group on Vaccine Evaluation and Selection para sa clinical trials ng mga bakunang gawa ng iba’t-ibang kompanya.
Kabilang sa mga naghain ng aplikasyon ang:
- West China Hospital and Sichuan University (China)
- Shenzhen Kangtai Biological Products (China)
- Eubiologics Co. Ltd. (South Korea)
“Evaluation of the first two new applications are ongoing, while Eubiologics Co. Ltd are still completing some requirements,” ani Guevara.
Ayon sa DOST official, kailangan pa maaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) at Ethics Research Board ang mga bagong aplikasyon para masimulan ang kanilang pag-aaral sa bansa.
Kung maaalala, unang inaprubahan ng FDA ang clinical trials sa bansa ng COVID-19 vaccine ng Janssen Pharmaceuticals, Clover Biopharmaceuticals, at Sinovac.
Mula sa kanila, ang two doses ng Janssen vaccine pa lang daw ang natatapos na maiturok sa mga participants.
“Sinovac’s clinical trial has not yet started and FDA is awaiting the submission of their protocol amendment.”
Nagpaliwanag naman ang opisyal sa kahalagahan ng patuloy na pagsasagawa ng clinical trials kahit nagsimula nang mag-rolyo ng bakuna ang mga bansa.
“These trials are part of the world trials, so hindi lang sa Philippines ginaganap, kasama ang ibang bansa at pagsasama-samahin lahat nitong results na ito… They (vaccine developers) will give us information specific to the country, kung anong ginawa sa clinical trials dito sa atin.”