MANILA – Inamin ng Department of Science and Technology (DOST) na may tsansang makapasok sa Pilipinas ang COVID-19 vaccine na bunga ng partnership ng Gamaleya Research Institute ng Russia, at AstraZeneca ng United Kingdom.
“If they come up with a stronger vaccine, and the results of their clinical trials are acceptable, very good, then FDA will just have to review and consider it for local,” ani Science Usec. Rowena Guevara.
Pahayag ito ng opisyal kasunod ng anunsyo ng UK-based pharmaceutical company na isama ang kanilang COVID-19 vaccine sa Sputnik V ng Russia.
Ayon sa AstraZeneca, posibleng makatulong sa mas malawak na pagbibigay ng proteksyon at matibay na immune response ang pagsasama ng bakuna nila ng Gamaleya.
“(This) may be an important step in generating wider protection through a stronger immune response and better accessibility,” nakasaad sa statement ng kompanya.
Paliwanag ni Usec. Guevara, posible naman talaga ang combination ng dalawang bakuna dahil pareho ang teknolohiyang ginamit ng Russia at UK-instutitions sa vaccine development.
“It makes sense, because they’re both from adenovirus. It will address some of the findings that are publicly available in The Lancet.”
Inatras na ng AstraZeneca ang kanilang aplikasyon para sa clinical trial ng COVID-19 vaccine dito sa bansa. Pero ang Gamaleya, nasa proseso pa rin ng negosasyon at pagpirma ng confidentiality disclosure agreement.
Noong nakaraang buwan sinabi ng UK-pharmaceutical company na 91% effective ang kanilang bakuna. Ang developed vaccine naman ng Russian institution, 95% naman daw na epektibo matapos ang ginawa nilang Phase III trials.
Kamakailan nang lumagda ng kasunduan ang pamahalaan at pribadong sektor para makatanggap ng 2.6-million dose ng AstraZeneca vaccines sa susunod na taon.