CAUAYAN CITY – Naiinip na umano ang Department of Science and Technology (DOST) sa pagkakaantala ng pagpapalabas ng World Health Organization (WHO) sa listahan ng mga COVID-19 vaccine na isasailalim sa solidarity trials.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni DOST Sec. Fortunato Dela Peña na noong Oktubre 26 pa inihayag ng WHO na ilalabas nila ang listahan ng mga bakuna na gagamitin sa solidarity trials subalit hanggang ngayon ay wala pa.
Dahil dito, sinabi niyang naiinip na siya sa paghihintay dahil pinaghandaan na nila ito.
Ayon kay Dela Peña, ang responsibilidad lamang ng DOST ay ang evaluation at selection ng mga bakuna.
Sa ngayon ay nasa 20 kompanya na ng bakuna ang gustong magsagawa ng clinical trials sa bansa subalit ang nasa Phase 3 pa lamang ay ang Sinovac at Sinopharm ng China, AstraZeneca ng United Kingdom at Gamaleya ng Russia.
Bukod dito ay may dalawa pang kumpanya na nakikipag-ayos para sa bilateral trials na kinabibilangan ng Janssen ng Estados Unidos at Clover ng China.
Dagdag pa ng kalihim na mayroon ding gustong magpasok ng bakuna sa Pilipinas pero hindi dadaan sa trials kaya diretso na sila sa Food and Drug Administration (FDA).