MANILA – Malaking hamon daw para sa Department of Science and Technology (DOST) na makumpleto ang bilang ng target participants sa pag-aaral nila sa virgin coconut oil bilang supplement sa COVID-19.
Sa ngayon daw kasi kulang pa rin ng limang volunteers ang clinical trial ng Philippine General Hospital para sa VCO.
Target ng DOST na pag-aralan ang virgin coconut oil bilang supplement sa 74 na moderate at severe na pasyente ng COVID-19 sa ospital. Pero sa ngayon, 69 pa lang ang naka-enroll na participant sa pag-aaral.
“Nagkaroon tayo ng mga balakid. Una nagpalit kami ng protocol para mag-include na rin ng mga may comorbidity, tapos dumaan yung panahon na bumaba ang admission bago nagkaroon uli ng surge, tapos nagka-sunog sa PGH. Tapos ngayon bumagal na naman ang admission sa PGH,” ani Science Sec. Fortunato de la Pena sa panayam ng Bombo Radyo.
“Ang admission ngayon at ang nagka-qualify ay isang pasyente per week. Kaya baka limang linggo pa bago matapos ang 74 patients, pero tiyak matatapos ngayong Hulyo.”
Bukod sa PGH, naglunsad na rin ng pag-aaral ang Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI) ng VCO clinical trials sa Valenzuela City para sa mga probable at suspect cases.
Kung maaalala, lumabas sa unang clinical trial ng DOST na nakatulong ang virgin coconut oil sa paggaling ng probable at suspect cases sa Sta. Rosa, Laguna.
“Ihinalo ‘yang VCO sa kanilang (patients) meals… maganda ang resulta dahil sa pag-aaral mas mabilis, on the average limang araw gumaling ang mga nag-take ng VCO.”
Kamakailan nang mailathala sa international journal ang pag-aaral ng DOST-FNRI sa virgin coconut oil bilang supplement sa COVID-19 probable at suspect cases.
Bukas naman daw ang Science department sakaling magpatulong ang ibang bansa at maglunsad din ng pag-aaral sa VCO.