Maglalagay ng specimen collection booths ang Department of Science and Technology (DOST) sa buong bansa para sa malawakang testing ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay DOST Sec. Fortunato de la Peña, magiging katuwang ng kanilang mga regional offices ang Department of Health (DOH) sa paghahatid at pag-iinstall ng mga nasabing specimen collection booths.
Sinabi pa ng kalihim na ilalabas nila ang mga karagdagang detalye ng mga napiling pasilidad na mapagkakalooban ng mga collection booths sa mga susunod na araw.
Target ng DOST na maglagay ng nasa 132 specimen collection booths sa iba’t ibang mga rehiyon sa bansa.
Pinakamarami sa Metro Manila na may 34; sunod ang Region 9 na may 10; Region 3 na may walo; Region 7 na may pito; tig-aanim sa Cordillera, Region 1; Region 2; at Region 6; tiglima sa Region 5 at Region 10; tig-aapat sa Calabarzon, Davao Region, at Caraga; tigtatlo sa Region 8 at Region 12; habang dalawa sa Mimaropa.
Batay sa pinakahuling data, nasa 16 na laboratoryo na ang sinertipikahan ng DOH na kayang magsagawa ng test para sa COVID-19.