CAUAYAN CITY- Pinaghahandaan na ng Department of Science and Technology (DOST) ang papalapit na vaccine trials na pangungunahan ng World Health Organization (WHO).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni kalihim Fortunato dela Peña ng DOST na inihanda na nila ang mga ospital na pagsasagawaan ng trial sa pamumuno ng Philippine General Hospital (PGH).
Aabot sa 12 ospital ang kanilang inihahanda na kinabibilangan ng 5 mula sa Metro Manila at tig-iisa sa Cebu, Calabarzon, at Davao.
Ayon sa kalihim aabot sa P89 million ang kanilang inilaan para sa nalalapit na vaccine trial.
Mayroon namang 2,000 ang inihahandang dadaan sa trial at bawat ospital ay may inilaang 150.
Gayunman ay nagpasabi aniya ang WHO na kailangan nila ng 4,0000 na kanila na ring paghahandaan katuwang ang DOH.
Samantala, sinabi pa ng Sec. dela Peña na tapos na ang technical evaluation ng vaccine panel sa Sinovac ng China.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ang go signal ng ethics board bago i-endorso sa Food and Drug Administration (FDA) na magdedesisyon kung magsisimula na ang trials o hindi.
Ang Sputnik V naman ng Russia ay malapit na ring matapos ang technical evaluation.
Nilinaw naman ni Sec. dela Peña na tumutulong lamang sila at hindi nila ito popondohan dahil ang popondahan lamang nila ay ang solidarity vaccine trial ng WHO.