-- Advertisements --

Inamin ng isang opisyal mula sa Department of Science and Technology (DOST) na walang kasiguraduhan na makakatanggap agad ang Pilipinas ng COVID-19 vaccine mula sa sinalihan nitong clinical trials.

Sa pagdinig ng Kamara sa panukalang 2021 budget ng DOST, sinabi ni Dr. Jaime Montoya, ang executive director ng Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD), na naka-depende sa global demand at negosasyon sa pagitan ng mga bansa ang posibilidad ng vaccine supply.

“Basta ang isang vaccine developer ay naggawa ng clinical trial sa isang bansa, they will make that vaccine available. Ang tanong lang is kaagad ba? Alam natin na itong panahon ng COVID-19, lahat ng bansa ay nag-uunahan na makakuha ng bakuna,” ani Dr. Montoya.

“Ang kasiguraduhan lang po niyan, sigurado magkakaroon tayo. Depende na sa negosasyon na maaaring gagawin ng ating pamahalaan sa mga vaccine ng developer ng mga bakuna na magiging successful kung paano tayo mauuna sa pila,” dagdag ng opisyal.

Kasalukuyang nilalakad ng Pilipinas ang posibilidad ng clinical trials sa bansa ng Sputnik V vaccine na gawang Russia. Pati na ang bakunang developed ng Sinovac biopharmaceutical company sa China.

Una nang sinabi ng DOST na may mga partnership na rin silang inaayos sa bakuna na ginagawa ng ilan pang kompanya sa China at Taiwan.

Aabot sa P36-bilyong ang proposed budget ng Science department para sa susunod na taon, pero halos P24-billion lang ang inaprubahan ng Department of Budget and Management.

Dahil dito, apektado ang operasyon at mga programa ng Philippine Nuclear Research Institute, Metals Industry Research at Development Center, and Philippine Textile Research Institute, na mga sangay ng ahensya.

Umapela naman si Science Sec. Fortunato dela Pena sa mga mambabatas na dagdagan ang pondo ng kagawaran bukod sa research and development, ay may mga programa at serbisyo rin sila na nagsisilbing tulong sa mga OFW.

Sang-ayon ang ilang kongresista sa hiling ng DOST, pero ayon sa isang opisyal ng DBM maaaring humugot ng dagdag pondo ang kagawaran mula sa kanilang Grants-In-Aid Program.