-- Advertisements --

Tinukoy ni Department of Science and Technology Undersecretary Renato Solidum Jr. na ang malakas na paglindol kahapon sa probinsiya ng Abra ay dahilan umano sa paggalaw ng Abra River Fault.

Isa umano itong active fault na huling gumalaw ay noon pang taong 1868.

Paliwanag nito Solidum, ang naturang fault ay kilalang aktibo na posibleng nasa range ng inaasahang earthquake na maituturing na major earthquake dahil sa idinulot nito na magnitude 7.0.

Sinasabing ang huling historical earthquake raw nito ay magnitude 4 o mas mababa pa sa magnitude 5 ang Abra River na naitala noong taong 1868.

Ayon pa kay Solidum, na tumatayo rin bilang OIC ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), kadalasan daw ang mga earthquake faults ay inaabot ng ilang daang taon bago magpakawala ng pinakamalakas na pagyanig.

Dahil dito patuloy ang paalala ng Phivolcs sa publiko sa nabanggit na lugar na maging alerto dahil sa patuloy din na mga aftershocks na mararanasan.

Kadalasan daw sa loob ng hanggang tatlong araw ay madalas pa ang mga aftershocks o posible pang magtagal ng ilang linggo, hanggang sa unti-unti na raw itong bababa ang bilang.

Nagbabala rin naman si Usec. Solidum sa posible pang mga landslide bunsod ng lindol lalo na raw kapag dumating na ang mga ulan at bagyo dahil gumalaw na ang mga lupa.

Sinabi pa ni Solidum na sa ngayon ang 7.0-magnitude na lindol ay maituturing na “strongest on-land earthquake” mula noong 6.6-magnitude Masbate quake noong August 2020.