KALIBO, Aklan – Kasunod ng pag-apela ng pang-unawa sa mga residente, motorista at turista dahil sa abala na dulot ng nagpapatuloy na rehabilitation at infrastructure projects sa isla, muling nadagdagan ang mga establisyimentong pinahihintulutan ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) na maka-operate muli ng negosyo.
Batay sa updates list ng Department of Tourism (DOT), nasa 365 accommodation establishments na may kabuuang 13,142 rooms na ngayon ang kanilang pinayagan na tumanggap ng mga bisita at bakasyunista sa pamosong isla.
Kabilang na rito ang Fairways and Bluewater Resorts na may kabuuang 700 rooms; Savoy Hotel Boracay na may 559 rooms at The Auhana Hotel na mayroong 494 rooms.
Kamakailan lamang ay ipinasara ng Inter-Agency Task Force (BIATF) at lokal na pamahalaan ng Malay ang nasa 23 establisimento kabilang ang pagmamay-ari ng mga Chinese dahil sa paglabag ng mga ito sa 12 meters road easement law mula sa main road habang ang ilan ay walang mayor’s permit at iba pang kaukulang dokumento.