KALIBO, Aklan – Nadagdagan na naman ang listahan ng mga establisimentong binigyan ng pahintulot ng Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) upang mag-operate ng kanilang negosyo sa isla ng Boracay.
Batay sa panibagong talaan na inilabas ng Department of Tourism (DoT) nitong Biyernes, nasa 364 accomodation establishments na may kabuuang 13,062 rooms na ang accredited ng ahensya na maaaring tumanggap ng mga bookings and reservations para sa ilang araw na bakasyon sa isla.
Una rito, walang tigil ang paalala ng BIATF sa may nais pumunta sa popular tourist destination na ang mga hotels and resorts na nasa listahan lamang ng DoT ang maaaring tumanggap ng turista at bakasyunista.
Sa ngayon ay limitado pa rin sa 6,405 ang bilang ng mga turistang pinapayagang makapasok sa isla bawat araw.
Samantala, nananatiling nakasarado ang 12 establisyimento sa isla na kamakailan lamang ay ipinasara ng Inter-Agency at lokal na pamahalaan ng Malay dahil lumabag ang mga ito sa 12 meters road easement law mula sa main road habang ang ilan ay walang mayor’s permit.