CENTRAL MINDANAO – Nakipagpulong sina Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza at 3rd District congressional Representative Ma. Alana Samantha Santos sa mga opisyal ng Department of Tourism (DOT) upang pag-usapan ang dalawang malalaking proyekto sa lalawigan na makakatulong sa pag-unlad ng ekonomiya at turismo sa probinsya.
Nagbigay si Governor Mendoza ng kasalukuyang estado ng Central Mindanao Airport (CMA) at Cotabato Agro-Industrial Park (CAIP) na parehong nasa bayan ng M’lang sa bagong kalihim ng DOT na si Ma. Esperanza Christina Frasco at Undersecretary Ferdinand Jumapao upang hingin ang patuloy na suporta ng ahensya at mapabilis ang pagpatapos nito.
Ayon sa gobernadora, isa sa prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ay ang pagpapalago ng industriya ng agrikultura at turismo na siya namang magiging daan na makapanghikayat ng mga malalaking negosyo sa probinsya.
Nagbigay naman si Sec. Frasco ng positibong tugon para sa dalawang proyekto at nagpahayag ng suporta upang maipaabot sa mga development partners ng DOT ang tungkol dito.
Ginanap ang nasabing pagpupulong sa DOT Central Office kasama sina Engr. Ginalyn Fe Cachuela ng Area Development Project Office (ADPO) XII, Deputy Speaker Raymond Democrito Mendoza, Engr. Jonah Balanag ng Office of the Provincial Planning and Development Coordinator (OPPDC) at iba pang stakeholders.